IKINASA na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsisiyasat nito sa mga tauhang nagsagawa ng profiling o pagtatanong patungkol sa detalye ng mga nag-organisa ng community pantry sa bansa.
Sinabi ni PNP spokesperson Brigadier General Ronaldo Olay na inatasan na ni PNP Chief General Debold Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group at ang mga police regional commander para siyasatin ang mga pulis na sangkot sa umano’y red-tagging at profiling.
Inatasan din ang PNP Anti-Cybercrime Group na imbestigahan ang kumalat sa social media na malisyosong mga pahayag at larawan.
Sinabi ni Olay na malinaw ng direktiba ni Sinas na walang red tagging at walang profiling sa mga grupong nais lamang na makatulong at ipursige ang ispiritu ng bayanihan.
Ang trabaho aniya ng PNP sa ganitong katulad na aktibidad ay tiyaking maayos ang pila ng mga tao at nasusunod ang minimum health protocols lalo na ngayong mayroong pandemya.
Binanggit din ni Olay na sa paliwanag aniya ng Quezon City Police District (QCPD) sa kanila, ang pagkuha ng mga pangalan at contact number ay para maisama sila sa makakatulong din ng pulisya sa mga community projects at activities nito sa hinaharap.
Kasabay nito, umapela si Olay sa iba’t-ibang grupo na huwag abusuhin at pagsamantalahan ang proyektong community pantry para itulak ang kanilang pansariling interes.
Tugon ito ni Olay na napaulat na mayroong community pantry sa Project 3 sa Quezon City na mayroong namamahagi umano ng pamphlet na naglalahad ng paglaban sa gobyerno at may pinapipirmahan din bago bigyan ng ayuda.

