QCPD pinagpapaliwanag ng PLEB sa ‘red-tagging’ sa organizer ng Maginhawa Community Pantry

Share this information:

PINAGPAPALIWANAG na ng People’s Lawyer Enforcement Bureau (PLEB) ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa nangyaring pag ‘red-tagging’ nila sa organizer ng Maginhawa Community Pantry na si Ana Patricia Non.

Batay sa liham na ipinadala ni Atty. Rafael Vicente Calinisan, Executive Director ng PLEB kay QCPD Director Police Brig. General Antonio Yarra, inatasan silang magsumite ng kanilang eksplenasyon patungkol sa “red-tagging” issue.

Inatasan din ng PLEB ang Management Information System (MIS) ng QCPD na sagutin kung bakit hinayaang i-post sa kanilang Facebook page ang post ng “Peace Philippines” na siyang kumukwestyon sa background ng organizer na si Non at pinaghihinalaang komunista.

Pinasasagot sa lalong madaling panahon ang QCPD kaugnay sa pangyayari.

Sa fb post ng “Peace Philippines” doon makikita ang mga larawan at bandila ng CPP-NPA na iniuugnay kay Non at ginagamit lamang umano ang community pantry nito para makapangloko ng publiko.

Kaugnay nito ay umani ng pagbatikos mula sa mga netizens at publiko sa ginawa ng QCPD kaya naman ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) na lubayan na lamang si Non at ang iba pang organizer ng community pantry sa buong bansa.

Una ng humingi ng pagpaumanhin si Yarra sa nangyari at nilinaw nitong wala siyang ibinigay na utos sa kanyang mga tauhan sa pag ‘red-tag’ kay Non at sinabing mananagot ang may kagagawan nito.

“We are now reaching out with the organizer/outlet manager as the QCPD is very much willing to support the noble cause especially in this time of pandemic,” pahayag ni Yarra.

“As social media handlers maintain official social media platforms, the QCPD leadership reminded them to be more circumspect and sensitive in their functions to protect the interest of the people and to sincerely serve the public,” dagdag pa nito.

Samantala, hindi na makita sa QCPD fb page ang kanilang ipinost patungkol sa ‘red-tag’ issue na kinuha mula sa post ng Peace Philippines dahil umano sa binaklas na nila ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.