KALABOSO ang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at isang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil sa umano’y pagbebenta ng mga armas na pag-aari ng gobyerno.
Kasunod ng ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG)-BARMM, nasukol sa Sousa Street, Rosary Heights 1, Cotabato City sina Police Master Sergeant Datu Halil-uto Jacolano, nakatalaga sa Mother Kabuntalan Police Office at si Asrap Gumamabuo alyas Kagui Darwin, kasapi ng MILF Task Force Ittihad na nakabase sa Headquarters Inner Guard Base Command sa Camp Darapanan.
Dinampot ang dalawang suspek matapos umano nitong mapagbentahan ng mga armas at bala ang kapwa nito pulis na isang undercover agent.
Narekober mula sa suspek ang dalawang caliber 5.56mm na pag-aari ng Armed Forces of the Philippines (AFP), M4 Carbine Caliber 5.56mm, P450,000 boodle money, tatlong M16 magazines at iba pa.
Nakuha rin ang isang unit ng Galil Ace 22N Caliber 5.56mm, Glock Caliber 9mm, walong M16 magazines, tactical vest, dalawang pixelated PNP uniform, daan-daang mga bala, magazines at iba pa.
Ikinagulat ni CIDG Chief Police Major General Romeo Caramat, Jr. na kabilang sa ipinagbibili ng mga suspek ay armas ng gobyerno.
“Doon sa nahuli naming baril ay pagmamay-ari ng Armed Forces of the Philippines pati ‘yung mga libu-libong ammunitions. Malaking problema ito, bakit ‘yung pagmamay-ari ng gobyerno na mga baril ay napunta sa unscrupulous individuals,” ani Caramat.
Hawak na ng CIDG custodial facility ang mga suspek at nahaharap sa kasong kasong paglabag sa RA 10591 o Unlawful Sale of Firearms and Ammunitions.