NADISKUBRENG peke ang hindi bababa sa 100 identification card (ID) ng Person with Disabilities (PWD) sa Bacolod City.
Ayon kay Alma Gustilo, officer-in-charge ng Department of Social Services and Development (DSSD), natukoy ang mga pekeng PWD ID kasunod na rin ng kanilang isinagawang pagmomonitor sa paggamit nito sa mga establisyimento.
Sinabi pa ni Gustilo na kanila nang inaalam kung sa Bacolod City ginawa ang mga pekeng ID na naka-imprenta sa ibang klaseng papel, nagkahalo-halo ang ID numbers, at hindi angkop ang naka-encode na uri ng disabilities.
Kaugnay nito ay iniutos na ni Mayor Alfredo Abelardo Benitez na bawiin ang 12,000 ipinalabas na PWD ID upang matiyak ang seguridad ng mga detalye nito sa pamamagitan ng paggamit ng QR code system at papalitan na rin ng PVC card.
Sinabi rin ni Gustilo na kailangang makumpirma ang tunay na bilang dahil batay sa kanilang database ay nasa 7,000 PWD lamang ang nakarehistro.
Ikinukonsidera na mapalawig ang paggamit ng PWD ID at booklet sa mga establisyimento hanggang Pebrero 29 habang pinuproseso ang paggawa ng mga bagong ID.