3 patay, 14 sugatan sa aksidente sa TPLEX

NAUWI sa malagim na aksidente ang masaya sanang bakasyon ng magkakamag-anak nang magka-aberya ang kanilang sinakyang van sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa bahagi ng Barangay Tumana, Rosales, Pangasinan na ikinasawi ng tatlong tao at ikinasugat ng 14 na iba pa.

Sa paunang imbestigasyon ng Rosales Police Station, dakong alas-nueve ng umaga ng Sabado habang binabagtas ng mag-anak ang TPLEX ay biglang pumutok ang gulong ng van, sumadsad sa barrier ng expressway bago nagpa-ikot-ikot dahil sa lakas ng impact.

Kabilang sa nasawi ang 76-anyos na babae at dalawang lalaki na edad 30 at 32.

Naniniwala ang pulisya na overloaded ang van kaya’t pumutok ang gulong nito at naaksidente.

“Ang tantiya ko dun, overload po. Kasi ‘yung gulong ng, ano nun eh 14-15. Eh ang sakay niya is 17. Siyempre long distance, hindi nakayanan ng gulong, pumutok,”
pahayag ni Police Chief Master Sergeant Marlon Palaruan, imbestigador ng Rosales Police Station.

Galing ng Caloocan City ang mag-anak at patungo sana ng Manaoag, Pangasinan upang magsimba.

Isa sa mga nakaligtas na biktima ang nagkuwento na maayos naman sa umpisa ang takbo ng van ngunit bigla na lamang pumutok ang gulong. Limang ulit din umano silang nagpaikot-ikot. Bagong bili rin umano ang van at pababasbasan sana sa simbahan ng Manaoag.

Nagpapatuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.