BUMULAGTA ang isang pulis gayundin ang suspek sa ilegal na droga habang dalawang iba pa ang nasugatan sa operasyon sa Alamada, Cotabato nuong Miyerkules.
Tinukoy ni PNP chief Police General Debold Sinas ang napatay na suspek na si Pilong Selangan, na mayruong arrest warrant sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Sinas, naka-engkuwentro ni Selangan ang arresting team na binubuo ng mga pulis at sundalo sa lugar at nagkaroon ng ilang minutong bakbakan bago nasawi ang target na suspek.
Nalagas naman sa panig ng pulisya si Patrolman Immanuel David Valez ng Regional Mobile Force Battalion 12 matapos na magtamo ng multiple gunshot wounds sa sagupaan. Sugatan din sa insidente sina Patrolman Mario Rapusa at Police Staff Sergeant James Byron Lagarto.
Samantala, narekober sa lugar ang isang M-16 rifle na sinasabing pag-aari ng suspek.
“Patrolman Valez sacrificed his life to accomplish the mission, while Patrolman Rapusas and Staff Sergeant Lagarto performed their duties well despite the risks involved,” ani Sinas.

