NAHARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Korean National nang tangkaing lumabas ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 patungong Taipei.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang koreano na si alyas Kim (Kwangsin),43, na hinarang ng primary inspection officer habang papasakay ng eroplano papuntang Taipei sa pamamagitan ng Air Asia flight.
Nagawa ng BI ang pagharang pagkatapos lumitaw sa kanilang system na may Interpol hit ang nasabing dayuhan, na nag-udyok ng kanilang agarang aksyon.
Kinumpirma ni BI Interpol Chief Peter de Guzman, na ang dayuhan ay subject ng isang Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 2025 dahil sa kinasasangkutan ng pandaraya at pakikilahok sa criminal organization.
Nasa Pilipinas mula noong Enero si Kim,na bahagi umano ng isang sindikato ng stock investment scam na tumatakbo sa Cambodia mula Agosto 2024 hanggang Enero 2025.
Nagsisilbing “chatter,” at nagpanggap umano bilang isang stock investment manager at nakipag-ugnayan sa mga biktima online, na nanghikayat sa kanila na mamuhunan sa mga mapanlinlang na paraan.
Sinabi ng mga otoridad na niloko ng grupo ang hindi bababa sa 57 biktima, karamihan sa South Korea, na nagkamal ng ilegal na kita na nagkakahalaga ng higit sa KRW 3.5 bilyon.
Pansamantalang inilagay sa holding facility ng BI ang Koreano kung saan mananatili siya habang hinihintay ang deportasyon proceedings.

