TATLUMPU’T pitong saksak (37) ang tinamo ng isang public school teacher ng pagsasaksakin ng kaniyang mister sa loob ng faculty room ng eskwelahan sa Las Pinas City, nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Las Pinas City Police Station Chief, P/Colonel Sandro Jay Tafalla, nakilala ang biktima na si Rose Moralla Dizon, 51 anyos, residente ng CAA, BF International, Las Pinas City at guro ng Lydia Aguilar National High School.
Agad namang nadakip ang suspek na si Dennis Dizon, 38 anyos, namamasukan bilang Public Coordinator Services sa Bacoor, Cavite.
Base sa ulat, alas 8:45 ng umaga ng Marso 10 nang mangyari ang krimen sa faculty room ng naturang eskwelahan sa Camia St., TS Cruz Subd, Brgy. Almanza Dos, Las Piñas City.
Ayon sa imbestigasyon, sinamantala umano ng suspek na may hawak na kutsilyo ang pagiging abala ng gwardiya kaya’t nagtuloy-tuloy ang suspek sa faculty room kung saan inabutan ang biktima at doon niya pinagsasaksak hanggang sa tumumba.
Ang pangyayari ay nasaksihan ng mga kasamahang guro na nagsugod sa biktima sa Alabang Medical Center subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Narekober din ang ginamit na 12 pulgadang kutsilyo sa krimen.
Inihahanda na ang isasampang reklamong parricide laban sa suspek.
Umamin naman ang suspek na naka inom ito ng alak at naka hithit ng marijuana ng gawin ang karumal dumal na krimen.
Napag alaman na dati nang nagkahiwalay ang biktima at suspek.

