INAPRUBAHAN na ng House of Representatives ang renewal ng 25-taong prangkisa ng third major telecommunication player na DITO Telecommunity Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy.
Sa botong 240 pabor, pitong tumutol na mga kongresista, nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7332 na nagpapahintulot sa DITO telco na magtayo, mag-operate at magmaintain ng wired at wireless telecommunications systems hanggang sa April 24, 2023.
Nakasaad sa panukala ang pagbabawal sa pagpapa-upa, paglilipat, pagbebenta o pagpapagamit ng prangkisa, mga karapatan, pribilehiyo at pagkontrol nang walang pag-apruba ng Kongreso.
Kasama rin sa prangkisa ang pagpapasunod sa tapat na pagnenegosyo at may kalidad na serbisyo.
Nuong Hulyo 8 ng nakaraang taon ay iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mislatel Consortium na ngayon ay DITO Telecommunity ang permit na makapag-operate bilang third telco provider sa bansa.
Bumubuo sa Dito Telecommunity ang Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., Udenna Corp, at China Telecom.