Panukalang P4.506T 2021 national budget, hihimayin na ng House of Representatives

2021 national budget

NAISUMITE na ng Malakanyang sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2021 National Expenditure Program na nagkakalahagang P4.506 trilyon.

Ayon kay Budget Secretary Wendell Avisado, 9.9-porsyentong mas mataas ang 2021 national budget kumpara sa kasalukuyang pambansang pondo.

Sinabi ng kalihim na ang tema ng 2021 spending plan ay reset, rebound, recover dahil target ng pamahalaan na mamuhunan para sa sustainability at resiliency sa harap na rin ng nararanasang pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Avisado na sesentro ang national budget sa pagpapabuti ng healthcare system ng bansa, pagtiyak sa food security, paglikha ng maraming trabaho at digitalization ng gobyerno at pagbangon ng ekonomiya.

Ipa-prayoridad din sa pambansang pondo ang mga social services sector para tugunan ang banta ng COVID-19 tulad ng national health insurance, medical assistance, procurement ng COVID-19 vaccines at PPEs.

Tulad pa rin sa mga nakaraang badyet, pinakamalaki ang alokasyon sa susunod na taon ang sektor ng edukasyon na may P754.4 billion.

Siniguro naman ni House Committee on Appropriations chairman Rep. Eric Yap na mabubusisi ng husto ang mga pagkakagastusan sa ilalim ng panukalang badyet.

Tinatarget ni Speaker Alan Peter Cayetano na matapos ang paghimay ng 2021 national budget sa katapusan ng Setyembre upang mapag-aralan naman sa Senado. Ayon kay Cayetano, umaasa sila na sa kalagitnaan ng Nobyembre ay pupuwede nang mapalagdaan ang pinal na bersyon ng 2021 General Appropriations Act kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.