NILINAW ng Department of Health (DOH) na wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa quarantine classification ng National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa.
Ginawa ng DOH ang paglilinaw Miyerkules ng gabi kasunod ng mga kumakalat na abiso sa posibleng lockdown sa gitna ng banta ng mas nakakahawang sakit na Delta variant ng COVID-19.
“We remind the public not to share unverified sources of information to avoid panic and confusion,” ayon sa inilabas na DOH advisory.
Nauna na ring sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon sa “Laging Handa” briefing na bukas ang gobyerno sa pagpapatupad ng lockdown sa gitna ng banta ng mas marami pang kaso ng COVID-19.
Aniya, kailangang maghanda dahil nakikita ang naging karanasan sa ibang bansa kaya lahat ng pamamaraan na puwedeng gawin ay bukas ang gobyerno.
Sa nasabing briefing pa rin, nagpahayad din ang OCTA Research Group na opisyal nang may surge ng mga kaso sa NCR kaya dapat paghandaan ang mas malala pang posibleng mangyari.
Bukod dito, inirekomenda rin ng OCTA Research ang “circuit-breaker” lockdown sa Metro Manila.
Ilan na rin sa mga loca government units ang nagpahayag na naghahanda sila para sa posibleng pagpapatupad ng granular lockdown upang maiwasan o mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dulot ng Delta variant.

