SINABI ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may naging paglabag sa guidelines dahil sa ginawang pagdedeploy ng mga pulis sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos magpositibo ang 51 miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa sakit na COVID-19.
Ayon kay Usec. Vergeire, batid naman aniya na may guidelines at hindi dapat sila idineploy dahil hindi pa alam ang kanilang resulta.
“Yes, we will say that there was this breach because we have guidelines for that at alam po natin that they should not have been deployed kung hindi pa po natin alam ‘yung mga resulta,” ani Vergeire sa press briefing
Maituturing din na super spreader, ayon kay Vergeire, ang mga pulis na nagpositibo sa COVID-19.
“It’s a possibility, pero sa ngayon hindi pa natin masabi ‘yan because we are just assuming na marami silang nakasalamuha. Wala pa po tayong resulta ng contact tracing,” dagdag pa ni Vergeire.
Nanawagan din ang DOH sa mga nagprotesta na makipag-ugnagan sa local authorities kung sa tingin nila ay nakasalamuha nila ang mga pulis na nagpositibo sa COVID-19.
Sa naunang pahayag ng Quezon City police, tinest ang mga pulis noong July 23 ngunit lumabas lamang ang kanilang resulta noong July 28, o dalawang araw pagkatapos ng SONA ng Pangulo noong July 26.

