WALONG pulis ang sugatan sa pagkahulog ng kanilang sinasakyang mobile patrol car sa bulubunduking bahagi ng Barangay Kapatagan, Digos City.
Patuloy na inoobserbahan sa ibat ibang pagamutan ng lungsod ang mga biktima na pawang nagtamo ng seryosong mga sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang dalawang opisyal na si Police Lt. Col. Ramon Armigos at Police Lt. Nico Avel Querubin at mga tauhan na sina Police Exe. Master Sgt. Eduardo Madanlo; Police Staff Sgt. Anthony Acosta at mga patrolman na sina Melvin Villarta; Jino Dela Cerna, Rjay Tambis at Miguel Ugsimar, pawang nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion-PRO11 (RMFB-PRO11).
Ayon kay Digos City Police Office (DCPO) Director Police Lt. Col. Vici Anthony Tababa, nangyari ang insidente sa Sitio Lutangan, Barangay Kapatagan pasado alas 12 ng tanghali araw ng Biyernes, September 10, 2021.
Nabatid sa imbestigasyon na patungo sana ang mga biktima sa isang event sa Sitio Lutangan para magtalaga ng seguridad sa pagdalaw roon ni PNP Chief General Guillermo Eleazar.
Habang binabagtas ng patrol car ang paakyat na bahagi ng bundok na tinatawag na “Files Peak” ay bigla na lamang itong nawalan ng kontrol at dumausdos pababa hanggang bumulusok na sila sa bangin na may lalim na 300 hanggang 350 metro.
Mabilis na nakatawag ng saklolo ang isang police mobile patrol hindi kalayuan na convoy ng tropa at nagsagawa agad ng rescue operations.
Ligtas na ang mga pulis habang ginagamot pa ang mga ito sa ospital.

