NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Philippine National Railways (PNR) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa tigil operasyon ng railways.
Sinabi ni PNR General Manager Jeremy Regino na pag-uusapan nila ng LTFRB ang mga magiging alternatibong sakayan ng mga apektadong pasahero.
Ayon kay Regino, posibleng magbukas ng mga bagong special bus lanes at jeepney routes ang LTFRB para sa mga pasahero na sumasakay ng PNR.
Nakatakda ring makipagpulong ang PNR sa local governtment units para sa kaparehong kadahilanan.
Aniya, ilang buwan bago tuluyang itigil ang operasyon ng PNR ay maglalabas sila ng abiso.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Regino sa mga pasahero dahil sa pagsasara ng PNR.
Una nang sinabi ni Department of Transportation Undersecretary Cesar Chavez na ang pagsasara ng PNR ay para mapabilis ang pagsasagawa ng North South Commuter Railway (NSCR).

