PITONG indibidwal ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (EnCD) dahil sa illegal quarry sa bulubunduking bahagi ng Tarlac City kasama ang isang barangay chairman na siyang itinuturong utak ng nasabing operasyon.
Ayon sa NBI-EnCD, nagsagawa ito ng serye ng surveillance operations noong Setyembre upang makumpirma ang quarry operations sa Barangay Sta. Maria ng naturang lungsod.
Nalaman din na walang inaprubahang permit para sa operasyon ng quarry nang beripikahin ito sa lokal na pamahalaan at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Katuwang ang mga tauhan ng DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region III, nagkasa ang NBI ng operasyon noong Oktubre 3 na nagresulta sa pagkakaaresto kina Barangay Captain Albert Mercado na umano’y tagapamahala sa ilegal na quarry operation at kaniyang barangay councilor na si Arturo Dela Cruz, na nagsisilbi namang checker.
Kasama ring naaresto sa operasyon ang mga tauhan na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa. Nakumpiska sa kanila ang isang payloader at apat na trak na may kabuuang halagang P1.8 milyon.
Narekober rin ang mga delivery receipt na nagpapakita na ang mga nakukuhang mga mineral sa quarry ay idinideliber nila sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Gapan, Nueva Ecija, Pampanga at iba pang lugar.
Lumitaw din sa imbestigasyon na ang kinikita sa quarry operations ay pinaghahatian nina Mercado at ng ilang tiwaling tauhan ng pamahalaang panglalawigan ng Tarlac sa 60:40 ratio na hatian.
Nabatid pa na ang Royal Crown Monarch Inc., isang kumpanya na kinontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng mga proyekto sa Tarlac City ay kumukuha ng mga materyales sa ilegal na quarry.
Sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Section 103 (Theft of Minerals) sa ilalim ng Republic Act 7942 o ang “Philippine Mining Act of 1995″ ang mga nadakip sa Tarlac City Prosecutor’s Office habang patuloy ang imbestigasyon pagdating sa lalim ng pagkakasangkot dito ng mga tauhan ng pamahalaan.