BALANGA CITY – “Simula ika-16 ng Disyembre, ang ipinatutupad na malawakang curfew sa buong Bataan sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay magsisimula na ng alas-10 ng gabi hanggang alas-3:30 ng umaga. Ang modified curfew hours ay ipapatupad lamang hanggang ika-31ng Disyembre.”
Ito ang inanunsiyo ni Bataan Governor at Provincial IATF Chairman Abet Garcia sa unang araw ng Disyembre kung saan aniya sa pagsapit ng unang araw ng 2021, ang curfew hours ay ibabalik sa naunang schedule na alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ayon pa sa Gobernador, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kababayang Bataeño na makapagdiwang ng Christmas holidays kasama ang kanilang mga mahal sa buhay at magkaroon ng mas mahabang panahon ng pagkakasama-sama sa dakilang araw ng Pasko.
“Muli po nating pinaalalahanan ang lahat na kinakailangan pa rin nating maging mapagmatyag at maingat na sundin ang lahat ng primary health protocols katulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, mag-obserba ng social distancing, maghugas at mag-disinfect parati ng kamay at ng mga bagay na madalas hawakan,” paalala ni Garcia.
Ayon pa sa opisyal, dapat aniyang tandaan na ang 85 porsyento ng kasiguruhan ng kaligtasan ng bawat isa ay “nakasalalay sa ating mga kamay.”