UMAPELA si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., sa Myanmar na maibalik ang status quo ante o ang dating sitwasyon kasunod ng military takeover na nagresulta ng pag-aresto ng mga pangunahing lider nito at paglulunsad ng malawakang kilos-protesta.
Sa isang pahayag, sinabi ni Locsin na suportado ng Pilipinas ang pagsisikap ng Myanmar na makuha ng buo ang demokrasya at kinikilala ang papel ng Army para ma-preserba ang territorial integrity at national security ng naturang bansa.
Ngunit iginiit ni Locsin na ang demokratikong proseso na ito ay makukumpleto lamang aniya kung maibabalik ang dating sitwasyon sa Myanmar.
Nauna inihayag ng DFA na aabot sa 252 mga Pilipino ang nagpahayag ng interes na ma-repatriate sa gitna ng political instability sa Myanmar.
Isinasapinal na rin ng embahada ang listahan ng mga kumpirmadong repatriates para maihanda ang kanilang paglipad pabalik ng Pilipinas.