Pilipinas, high-risk na naman sa COVID-19

TUMAAS pa ng 47% ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa nakalipas na dalawang linggo dulot ng Delta variant kaya’t maituturing nang high risk ang classification ng bansa.

Kasabay nito ay inihayag ng Department of Health na mayruon nang Delta variant sa 13 rehiyon sa Pilipinas.

“Nationally, our case classification is now at high risk,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang pulong balitaan.

Tinukoy ni Vergeire na nakapagtala na ang Pilipinas ng 8,829 bagong kaso ng sakit kada araw mula Agosto 2 hanggang 8, na mas mataas sa average na 7,029 bagong impeksiyon na naitala noong nakalipas na linggo.

Samantala, nakapagtala na rin aniya ang Pilipinas ng mataas ng average daily attack rate (ADAR) na 7.20 cases per 100,000 population, healthcare utilization rate na 54.70%, at intensive care unit (ICU) occupancy rate na 61.71% hanggang nitong Agosto 6.

Sa nakalipas na linggo lamang, ang risk classification ng bansa ay itinaas ng moderate mula sa dating low lamang dahil na rin sa pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit nuong Hulyo.

Tinukoy ng DOH ang Metro Manila, Cordillera Region, at Regions 1, 2, 4A, 7, at 10 bilang high-risk areas dahil sa mataas na ADAR at moderate level two-week case growth rate.

Sa datos pa ng DOH, lumilitaw na ang mga kaso ng sakit sa Metro Manila ay tumaas ng 123% sa nakalipas na dalawang linggo kumpara sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

Ang ADAR ng rehiyon ay nasa 12.70 cases per 100,000 population na habang ang healthcare utilization nito ay nasa 54.11% at ang ICU occupancy naman ay nasa 59.04%.

Tinukoy naman ng DOH ang Malabon, Navotas, at Pateros bilang critical-risk areas dahil sa mataas na two-week case growth rate at ADAR.

Una nang iniulat ng DOH na ang lahat ng lugar sa Metro Manila ay nakapagtala na ng Delta variant cases.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.