Ayuda sa NCR, ipamamahagi na simula sa Miyerkules – DILG

Share this information:

IKINASA na sa Miyerkules ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, nagkasundo ang mga alkalde sa National Capital Region na sabay-sabay simulan ang distribusyon ng ayuda.

“Nag-meeting po kami ng mga mayors para nga paplantsahin ‘yung ating proseso ng pamimigay ng ayuda at nagkasundo po sila na sabay-sabay silang magsisimula sa Miyerkules,” ayon kay Malaya.

Sinabi ng opisyal na karamihan sa mga lokal na pamahalaan ay maglalabas ng pondo sa pamamagitan ng itinakdang distribution points at upang maging organisado at maiwasang dumugin sa gitna ng banta ng Delta variant ng COVID-19, ilalathala ang listahan ng mga benepisaryo at ang schedule ng pagkuha ng cash assistance.

Aabot sa 11 milyong mga residente sa NCR ang makikinabang sa tulong pinansyal ng gobyerno. Tig-P1,000 ang ibibigay sa bawat indibidwal o hanggang P4,000 sa bawat pamilya.

Mahigit sa P10 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa cash assistance sa mga residente ng Metro Manila na nasa ilalim ng ECQ hanggang Agosto 20.

Samantala, maliban sa Metro Manila ay pinondohan na rin ng Department of Budget and Management ng P2.7 bilyon ang cash aid para sa mga low-income families sa Laguna province na nasa ilalim ng ECQ hanggang Agosto 15. Isusunod na rin na mapaglalaanan ng pondo ay ang mga apektadong pamilya dahil sa ECQ sa Bataan province.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.