
ISANDAANG mga magulang ang nagkasa ng karagdagang mga kasong kriminal laban sa mga personalidad na isinasangkot sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa pangunguna ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta, pinanumpaan ng may 100 mga magulang ang kanilang complaint affidavits sa Quezon City National Prosecution Service laban kina dating Health Secretary Janette Garin, DOH Secretary Francisco Duque at iba pang idinadawit sa pagkamatay ng 99 bata at pagkakasakit ng Severe Hemorrhagic Dengue ng isang batang Dengvaxia survivor.
Kasama rin sa inirereklamo ang mga may-ari ng Sanofi at Zuellig Pharma, gayundin ang RITM, Food and Drugs Administration (FDA) at nangasiwa nuon ng anti-dengue vaccination program.
Partikular na ipinupursigeng kaso ay reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa probisyon ng Republic Act (RA) 9745 o Anti-Torture Act 2009 dahil sa hirap na dinanas ng mga batang biktima at obstruction of justice.