PGH, awat muna sa pagtanggap ng severe cases ng COVID-19

Hindi na basta-basta  tatanggap ng severe case ng COVID-19 na nangangailangan ng agarang pangangalaga ang Philippine General Hospital  (PGH) dahil naabot na ang kanilang buong kapasidad.

Pahayag ito ng tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas Del Rosario sa Dobol B TV  kung saan sinabi ng opisyal na ang karamihan sa kanilang kama ay halos puno na dahil sa pagtaas  ng bilang ng mga pasyente ng COVID-19 na dinala sa ospital.

Ayon kay del Rosario, ang kanilang intensive care unit o ICU facilities ay puno na.

Kinailangan na rin aniya nilang i-convert ang iba pang kuwarto  sa ICU rooms dahil karamihan sa dinadala sa ospital ay mga severe cases.

Paliwanag ni del Rosario, mahihirapan silang tumanggap ngayon ng  severe o critically ill na kailangan ng ICU setting, kaya hindi muna nila matatanggap ang mga pasyente na gustong magpalipat sa PGH.

Sa ngayon ayon kay del Rosario ay nasa 170 COVID-19 patients na ang na-admit ng PGH na may kabuuang 200 beds na ang nagagamit  para sa mga pasyente ng COVID-19 sa ngayon ngunit maaari pa itong dagdagan hanggang sa 230 depende sa bagong kaso na dadalhin sa ospital.

Ang kakulangan sa hospital beds ay dahil din umano sa bilang ng non-COVID patients na na-admit  sa ospital.

There was a time, noong umpisa last year, primarily nag-concentrate kami sa COVID. Tapos nu’ng bumaba na ‘yung COVID, in-allow na namin makabalik ‘yung non-COVID patients namin sa PGH. So marami kami ngayong non-COVID patients na nasa ospital na ino-occupy nila ‘yung aming mga wards,” ayon pa kay del Rosario.

Dahil dito, pinayuhan ni del Rosario ang publiko na subukan na lamang sa iba pang non-COVID referral hospital kung kailangan ng medical care dahil hindi naman aniya maaring pauwiin ang mga non-COVID patients.

Dagdag pa nito, tatanggapin na lamang ng PGH na non-COVID patients sa ngayon ay mga “life- and limb-threatening conditions.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.