Itinuturing nang balewala o “moot and academic” kaya ibinasura na ng Supreme Court (SC) ang petisyon na kumukuwestiyon sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-atras ng membership ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa SC, unanimous decision o nagkaisa ang mga mahistrado na katigan ang pasya ng punong ehekutibo na tumalikod ang Pilipinas sa ICC.
Sa petisyon ng ilang senador sa SC, kinukuwestyon nito ang pagpapasya ng Presidente sa ICC membership withdrawal na dapat ay idinaan muna umano sa concurrence o pagsang-ayon ng Mataas na Kapulungan.
Pero ayon sa desisyon ng SC na sinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, kinikilala nito ang pagtalima ng Presidente sa Konstitusyon, bilang pangunahing arkitekto ng foreign policy ng bansa.
May kapangyarihan umano ang Presidente na mag-withdraw unilaterally maliban kung malilimitahan ng mga kondisyon para sa concurrence ng Senado o may umiiral na batas na pumapayag ng negosasyon sa tratado o international agreement o kung may regulasyon na nagpapairal ng tratado.
Binigyang-diin pa ng SC na may sapat na kapangyarihan ang High Tribunal para protektahan ang karapatang pantao taliwas umano sa pinalulutang na espekulasyon ng mga petitioner.