PATAY ang isang pedicab driver matapos itong barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek na kanyang naging pasahero sa loob ng isang sementeryo sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Kaagad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktima na kinilalang si Jesus Dela Cruz, 27 anyos, at residente ng Brgy. Santolan.
Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.
Sa report ni police investigator PSSgt. Jose Romeo Germinal kay Malabon police chief Col. Joel Villanueva, dakong alas 3:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng Tugatog Public Cemetery, Brgy. Tugatog.
Lumabas sa imbestigasyon na sakay ng biktima sa kanyang minamanehong pedicab ang mga suspek at pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang naglabas ng baril ang mga salarin saka pinagbabaril sa ulo si Dela Cruz bago mabilis na nagsitakas.
Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril at isang deformed fired bullet habang inaalam pa ang motibo sa krimen

