Breaking News

Share this information:

Hinimok na lamang ng Palasyo ng Malakanyang si Batangas Archbishop Emeritus Ramon Arguelles na impluwensyahan ang publiko sa pagsunod ng alituntunin ng gobyerno sa health protocols imbes na idiskorahe.

Ito ang naging sagot ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga pasaring ng arsobispo sa kanyang sermon sa misa na ginanap sa Padre Pio Shrine sa Sto. Tomas, Batangas at tila umanong hinihikayat ang publiko na huwag ng magsuot ng pangontra sa COVID-19 virus gaya ng face mask, face shield at physical distancing.

Ayon kay Roque, napatunayan naman ng siyensiya at mga ekspertong doktor partikular na nasa World Health Organizations (WHO) na nakakatulong ang pagsusuot ng facemask at face shield gayundin ang ilang metrong distansya para hindi mahawa sa nakamamatay na sakit.  

Payo ni Roque sa Arsobispo ng Simbahang Katoliko – gampanan na lamang ang papel sa lipunan at ito ay ang pagpapalaganap ng pananampalataya.

Una rito, bahagi ng naging kontrobersyal na homiliya ni Arguelles noong Miyerkules ang mga katagang “Hindi na kailangan ‘yang mask, hindi na kailangan ‘yang face shield, hindi na kailangan ‘yang distancing. Bakit? Mahal tayo ng Diyos at mahal natin Siya… He is the great healer. ‘Pag ang Diyos nasa atin, you don’t have to worry,”

“Tayo din naman ay mamamatay. Pero hindi kamatayan yan, mapupunta tayo sa walang hanggang. Pero kung nagtutulungan tayo, gumagawa ng mabuti, hindi na kailangan ng mask. Hindi na kailangan ng face shield, hindi na kailangan ng distancing. Bakit? Mahal tayo ng Diyos at mahal natin Siya, at mahal natin ang isat isa,” dagdag pa ng Arsobispo.

Pero paliwanag ni Arguelles, “Hindi ko naman sinasabing ‘wag mag-social distancing ano, pero don’t exaggerate parang ‘yun na lang ang ultimate remedy na tayo ay maghiwa-hiwalay para tayo ‘di magkasakit. In the end, they become lonely, nagpapakamatay. Ang talagang point ko dun eh ‘yung dapat hindi isasara ang simbahan,”

“Kahit magalit sa’kin ang lahat ng tao, sinasabi ko lang ‘yung totoo. Ang Diyos lamang ang ating pag-asa,” giit pa ni Arguelles.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.