Kaso ng COVID-19 sa bansa, mas dumami – DOH

Patuloy na dumarami ang COVID-19 cases sa bansa kung pagbabatayan ang arawang datos ng Department of Health (DOH).

Partikular na nakita sa datos ang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa severe at critical COVID-19 cases.

Nuong Abril, halos wala pa sa kalahati ng isang porsyento ng mga naiuulat na kaso ang nasa katergoryang kritikal.

Pero nuong kalagitnaan ng Agosto, hindi na ito bumaba sa isang porsyento.

Setyembre 6, nang pumalo sa dalawang porsyento ang critical cases at nuong Setymbre 20 ay nasa pinaka mataas na ito na 3.3 percent.

Ganito rin ang trend sa severe cases.

Sa pagitan ng Agosto 3 at Setyembre 4, siyam na beses itong pumalo sa isang porsyento at hindi pa bumababa.

Halimbawa rin dito ang San Lazaro Hospital kung saan mahigit 70% o pito sa bawat 10 pasyente ay severe at critical cases.

Karamihan sa mga pasyente ng San Lazaro ay 60-taong gulang pataas at may co-morbidities o may dati nang sakit habang makikita rin ang ganitong dami ng mga severe at critical COVID-19 cases sa Philippine Heart Center.

Samantala, iniimbestigahan na ng DOH ang biglang pagdami ng mga severe at critical case ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, nakita ang pagtaas ng severe cases sa Metro Manila sa nakalipas na tatlong araw.

Sa kabila nito ay pinawi ni Vega ang pangamba ng publiko dahil hindi naman nangangahulugang mas bumagsik ang COVID-19 at mas marami ang tinatamaan.

Tiniyak din ni Vega na kaya pa ng health care system na tugunan ang mga pangangailangan ng mga nagkakasakit sa virus.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.