INIHAIN na sa Senado ang isang panukalang batas na maglalayong pababain ang buwis sa petrolyo at kuryente.
Ayon sa Senate Bill Number 2440, tatlong taon na pinababawasan ng 50-porsyento ang excise tax na ipinapataw sa gasolina at diesel gayundin sa coal na gamit ng mga planta ng kuryente.
Tatlong taon din na gagawing exempted sa value added tax (VAT) ang system loss charges sa kuryente. Ang system loss ay ibinubunga ng mga jumper o pagnanakaw ng kuryente at ng mga aberya sa pagpapadaloy ng kuryente.
Sa explanatory note ng panukala, sinabing kailangan itong gawin para maabatan ang inaasahan pang pagsirit ng halaga ng petrolyo at kuryente, na matinding pahirap sa publiko at sa mga nagnenegosyo na unti-unti pa lang na nakakabangon mula sa pandemya.
Tinukoy na batay sa report ng Department of Energy (DOE), tataas pa ang presyo ng petrolyo dahil sa mahigpit na supply at lumalaking demand o pangangailangan ng maraming bansa dahil sa mga pagluluwag at higit pang pagbubukas ng kanilang ekonomiya.
May namumuo naman daw na energy crisis sa China at iba pang bansa dahil sa malaking pangangailangan para sa coal na gamit sa mga planta ng kuryente.
Dito sa Pilipinas, mahigit 57 percent ng power generation ang ginagamitan ng coal o uling.
Dahil sa TRAIN Law o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, P10 ngayon ang excise tax na ipinapataw sa bawat litro ng gasolina, P6 sa krudo at P5 sa kerosene.
Nasa P10 hanggang P150 naman ang excise tax ng bawat metriko tonelada ng coal.