Lolo, kulong sa pananaksak sa kabarangay sa Navotas

BAGSAK sa kulungan ang isang 71-anyos na lolo matapos saksakin ang kanyang kabarangay makaraan ang mainitang pagtatalo sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang suspek na si Eusebio Mercado, baker at residente ng 525 Governor Pascual St, Brgy. Daanghari na nahaharap sa kaukulang kaso.

Sa inisyal na imbestigasyon nina PSSgt. Levi Salazar at PCpl. Billy Godfrey Aparicio, dakong alas-3:30 ng hapon nang lapitan ng suspek na tila nasa impluwensya ng alak ang biktimang si Renato Cortavista, 50 anyos, isang welder, sa Tulay 12, Brgy. Daanghari at sinimulan ang kulitan na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa mainitang pagtatalo.

Matapos ang argumento, umalis ang suspek at makalipas ang ilang minuto ay bumalik ito sa lugar na may bitbit na kitchen knife at bigla na lamang sinugod ang biktima na naging dahilan upang bumagsak sa semento saka inundayan ng isang saksak sa katawan.

Nagawa namang mapigilan ng mga residente sa lugar ang suspek hanggang sa dumating ang rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa kay Mercado at narekober sa kanya ang isang kitchen knife habang isinugod naman ang biktima sa Ospital ng Maynila para magamot.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.