PUMALO sa 15,537 ang average na arawang naitatalang kaso ng COVID-19 mula nuong Agosto 19 hanggang 25.
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, DOH Epidemiology Bureau chief, mas mataas ito kumpara sa peak o rurok ng mga kaso na naitala nuong Marso 29 hanggang Abril 4 na umabot sa 10,431.
Gayunman, nilinaw ni De Guzman na ang naitalang pinakahuling average ng daily cases ay posibleng tumaas pa habang patuloy ang isinasagawang active case finding at contact tracing.
Sa Metro Manila ay tuloy din aniya ang pagtaas ng mga kaso na umabot na 4,105 ang daily average cases nuong Agosto 19 hanggang 25 na mas mataas ng 16% kumpara nuong Agosto 12 hanggang 18. Pero mas mababa pa umano ito sa 5,536 na naitalang rurok nuong Marso 29 hanggang Abril 4.
Tiniyak ni De Guzman na tuluy-tuloy ang paghahanda ng DOH para matugunan ang epekto at pangangailangan sa tumataas na bilang ng mga tinatamaan ng sakit.

