HINDI nakikialam sa pulitika sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang paulit-ulit na binigyang-diin ni Presidential spokesman Harry Roque kasabay ng apela sa mga mambabatas na pagtibayin muna ang panukalang 4.5 trillion pesos 2021 national budget.
Ayon kay Roque, hindi nanghihimasok ang Presidente sa girian nina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para sa pagka-House Speaker.
“Hindi po nakikisali, hindi nakikialam sa pulitika ng Mababang Kapulungan ang Presidente. Uulitin ko po, hindi po nanghihimasok, hindi po nakikialam ang Presidente sa nangyayaring girian para sa puwesto ng Speaker dyan po sa Mababang Kapulungan,” ayon kay Roque.
Diin ni Roque, nais ng Pangulo na maisantabi muna ang isyu ng pagpapalit ng House Speaker upang unahin ang pagpasa ng 2021 General Appropriations Bill.
“Ang panawagan po ng Presidente sa ating mga kongresista, itigil na po ang pulitika, ipasa ang national budget at hindi po nakikisali, nanghihimasok ang Presidente sa pagpili ng House Speaker na sana po ay isantabi na muna nang umusad ang proseso ng pagpasa ng national budget,” diin ni Roque.
