Pangalan ng tatlong mapanirang bagyo, inalis na ng PAGASA

BURADO na sa listahan ng gagamitin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa hinaharap ang tatlong pangalan ng mga napaka-mapanirang bagyo na dumaan sa bansa.

Tinukoy ng PAGASA ang mga bagyong Jolina, Maring, at Odette na papalitan na ng Jacinto, Mirasol at Opong.

Sisimulan ng weather bureau na gamitin ang mga bagong pangalan sa taong 2025.

Nuong Pebrero 1979 nang simulan ng PAGASA ang decommissioning o hindi na paggamit ng tinaguriang “extraordinarily destructive storms.”

Pinapalitan ang pangalan ng bagyo kapag nagdulot ng matinding pinsala sa agrikultura at imprastruktura na umabot sa halagang P1 bilyon o ikinamatay ng hindi bababa sa 300 indibidwal.

Taong 2021 nang manalasa ang bagyong Jolina (Conson) sa Visayas at Southern Luzon, ang Maring (Kompasu) naman ang tumama sa northern Luzon at ang Odette sa Mindanao, Visayas, at iba pang bahagi ng Palawan.

May apat na set ng pangalan ng mga bagyo ang PAGASA para sa buong taon at kada apat na taon ay ibinabalik ang paggamit ng mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.