PINALAWIG pa ng Manila Electric Company (Meralco) ang palugit para sa mga kustomer nito na hindi makapagbabayad ng kanilang utang sa konsumo ng kuryente.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Meralco President and chief executive officer Ray Espinosa na mula sa buwan ng Setyembre na palugit para hindi maputulan ng kuryente ay extended ito ng katapusan ng Oktubre.
Iyan ay upang makalikom pa ng sapat na pambayad ng electricity bills ang kanilang mga kustomer.
“Bilang tugon sa inyong request, i-extend ko po ‘yong suspension ng disconnection hanggang end ng October para mas mabigyan ng panahon ang ating mga customers na makalikom ng sapat na pambayad sa kanilang mga bills,” ayon kay Espinosa.
Ngunit nilinaw ni Meralco Senior Vice President William Pamintuan na magbibigay pa rin naman sila ng konsiderasyon kahit pa magsimula na silang magpadala na ng disconnection notices pagkatapos ng palugit sa Oktubre.
Hindi rin naman aniya agad-agad ang disconnection ng kuryente dahil magbibigay pa rin sila ng grace period. Tiniyak muli ni Espinosa na ang mga electric billing ngayon ay nakabase na sa kanilang aktwal na meter readings.