HINDI bababa sa sampung sundalo at mga sibilyan ang nasawi habang tinatayang 40 ang sugatan sa pagsabog sa Jolo, Sulu, Lunes ng umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command chief Major General Corleto Vinluan, malaking improvised explosive device (IED) ang ginamit ng mga terorista sa insidente.
Sa paunang impormasyon, anim ang namatay sa panig ng militar habang may apat na sibilyan din ang bumulagta sa pagsabog.
Nabatid mula kay Lt. Col. Ronald Mateo, Civil Military Relations Officer ng 11th Infantry Division na dalawang pagsabog ang naganap sa Barangay Walled City ng nasabing bayan.
Unang nagkaroon ng pagsabog dakong alas-11:53 ng umaga sa loob ng Paradise Food Shop sa tabi ng Syntax computer shop. Bandang ala-una nang hapon nang muling may sumabog sa harap naman ng sangay ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa lugar.
Naniniwala si Vinluan na si Mundi Sawadjaan, na iniuugnay sa Abu Sayyaf Group, ang nasa likod ng terorismo.
“Ang may pakana lang talaga diyan si Mundi Sawadjaan. Actually siya na rin ‘yung mastermind sa bombing doon sa Cathedral, sa Indanan,” ani Vinluan sa isang panayam sa radyo.
“Siya na, wala nang iba… wala nang ibang capable na mag-execute niyan kung hindi siya lang,” dagdag nito.
Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad ang uri ng bomba na ginamit sa pananabotahe.