Pagsusuot ng helmet at iba pang pantakip sa mukha ipinagbabawal na sa Parañaque

IPAGBABAWAL ang pagsusuot ng helmet at anumang uri ng masks, at iba pang pantakip sa mukha kapag nasa loob ng mga establisyimento at pampublikong lugar maliban kung sakay ng motorsiklo sa lungsod ng Parañaque.

Pinagtibay at inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Parañaque ang isang ordinansa na nagbabawal sa pagsusuot ng anumang uri sa pangtakip sa mukha.

Nakapaloob sa City Ordinance No. 2025-30 (69), Series of 2025 o “Anti-Face Concealment Ordinance of Parañaque City, na iniakda ni Councilor Pablo Olivarez II at nilagdaan ni Mayor Edwin Olivarez noong Nobyembre 13, 2025.

Sa ilalim ng ordinansa, labag sa batas ang pagsusuot ng helmet, bonnet, ski mask, balaclava, full-tint face shield, construction helmet, industrial mask, o katulad na mga bagay na pantakip sa mukha sa loob ng mga establisyimento para sa komersyo, gobyerno, edukasyon, pinansyal, at iba pang establisyimento na bukas sa publiko.

Saklaw din sa pagbabawal kung ang mga indibidwal ay malayo sa kanilang motorsiklo, nasa layong 3 metro sa pagbaba o nakaparada sa kalsada, bangketa, eskinita, parking area, palengke, parke, at mga itinalagang crime-prone zone.

Ipinagbabawal din ang pagtangging tanggalin ang pantakip sa mukha kapag hiniling ng mga opisyal ng pulisya, opisyal ng barangay, o security personnel.

May exemptions para sa paggamit nito kung may medical o health-related  sa panahon ng opisyal na idineklarang public health emergencies, kinikilalang religious o cultural practices,  at ang aktwal na pagbiyahe ng motorsiklo.

Kabilang sa maaring magpatupad ng ordinansa ang Parañaque City Police, mga barangay tanod, at ang Traffic and Parking Management Office.

Inaatasan ng ordinansa ang mga establisyimento, residential subdivision, at mga barangay na maglagay ng mga nakikitang abiso na nagpapaalam sa publiko tungkol sa pagbabawal.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.