Pagsasapribado sa Philhealth, hindi pabor kay Gierran

Hindi pabor si Philhealth President and CEO Dante Gierran na maisapribado ang ahensya dahil maaari umanong magbigay ito ng maling impresyon sa publiko.

Sa pagdinig ng joint committee sa Kamara, sinabi ni Gierran na kung ilalagay sa pribadong pangangasiwa ang Philhealth, lilitaw lang na hindi mapagkakatiwalaan ang mga opisyal ng gobyerno na hawakan ang ahensya.

Maaari aniyang akalain ng publiko na hindi marunong magtrabaho ng tama ang mga nasa gobyerno at ang mga nasa pribado lang ang may kakayahan.

“Are we telling the people of the Philippines and the world na ang mga tao lang sa pribado ang marunong magtrabaho nang tama? Hindi marunong ang mga taga-gobyerno tulad natin?” diin ni Gieran.

“Wow, hindi maganda yan. It will send a wrong signal to our people that people in the government cannot be trusted,” dagdag ng opisyal.

Ipinunto rin ni Gierran na maaaring hindi makabubuti sa mga miyembro ng state health insurer ang pagsasapribado dahil may pagkakataon aniya na kahit hindi Philhealth member at naospital ay awtomatikong nagiging miyembro o may outright eligibility.

Ngunit kung pribado aniya ay Philhealth, hindi ganito ang magiging sistema sa mga miyembro.

“We respect the wisdom of the President. But kung i-privatize ang PhilHealth, ano ang mangyari sa ating mga miyembro? Saan pupunta itong mga miyembro natin? Sa PhilHealth, meron tayong tinatawag na outright membership. Kahit hindi ka miyembro kapag pumunta ka sa ospital, member ka kaagad. And then outright eligibility. Saan natin kukunin ito kapag i-privatize natin ito?” paliwanag pa ni Gierran sa kanyang pagtutol sa privatization ng ahensya.

Mayruon nang naihaing panukalang batas sa Kamara na layong maisapribado ang sistema sa Philhealth sa harap na rin ng mga nabunyag na katiwalian at pinangangambahang pagka-barangkote nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.