Ipinagbabawal ang pagkain o pagdadala at pagbebenta ng pagkain sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Cavite.
Sa kanyang social media post, ini-anunsyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang direktiba bilang pag-iingat na lumaganap ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Bawal po ang kainan kahit sa mga pribado at sosyal na libingan. Mga alta, matutong makisama. Kung bawal ang kainan, lalong bawal ang inuman at lasingan. Bawal maglako ng mga pagkain at inumin sa sementeryo,” ayon kay Remulla.
“Bawal ang karaoke at maingay na kantahan (Karaoke sessions will not be allowed),” dagdag nito.
Nauna na ring inihayag ni Remulla na isasara ang mga sementeryo mula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Tinuky ng gobernador na aabot na sa 10,000 ang mga nagpositibo sa Cavite at nakababahalang darami pa ito kung magiging maluwag sa pagbisita sa mga sementeryo sa panahon ng Undas.
Simula Oktubre 1 hanggang 27 ay pinapayagan ang publiko na magtungo ng mga sementeryo mula alas-nueve ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi.
Hindi papayagan ang mga menor de edad na magtungo sa mga sementeryo.
“Tiyak na karamihan sa mga nakatatanda ay hindi mapipigilang dumalaw sa nitso. Ang mga kabataan naman ay puedeng mahawa, maging asymptomatic at kapag minamalas ay magkalat pa ng lagim sa kani-kanilang bahay,” pahayag pa ng gobernador.