Breaking News

Share this information:

SUPORTADO ng OCTA Research Group ang posibleng pagpapaluwag pa ng quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR), kasunod na rin nang pagbaba pa ng naitatalang COVID-19 cases.

Ang pahayag ay ginawa ng isang eksperto mula sa independent research group matapos ang pahayag ng Malacañang na maaaring isailalim na sa regular na general community quarantine (GCQ) status ang Metro Manila, gayundin ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, o NCR Plus areas, ngayong linggong ito dahil na rin sa paghusay ng COVID-19 situation doon.

“Sinu-support natin yan because at this time, gumaganda naman ang situation sa NCR,” ayon kay Dr. Guido David, ng OCTA Research, sa isang panayam.

Iniulat rin ni David na ang NCR ay nakakapag-contribute na lamang ngayon ng 27% ng COVID-19 cases sa daily tally ng bansa, mula sa dating 97% noong peak sa pagitan ng Marso 29 at Abril 4.

Ang virus reproduction rate naman o ang bilang ng mga taong apektado o maaaring mahawa ng virus ng pasyente sa Metro Manila ay nasa 0.72 na lamang habang ang positivity rate ay bumaba na ng 8%.

Samantala, ang hospitalization rate naman ay nasa “safe level” na rin ngayon sa 40%.

Aniya pa, maaari na ring sumugal na magbukas pa ng ibang mga negosyo lalo na at wala namang nakikitang nagkakaroon ng community transmission sa businesses.

Binigyang-diin naman niya na ang dapat na iwasan ay ang pagkakaroon ng mga malakihang pagtitipon.

“We can take some risks na pagbubukas ng businesses. So far, wala pa naman tayong nakikita community transmission sa businesses,” dagdag pa ni David.

“There will always be risks. Ang iniiwasan natin is more of congregations na malalaki,” aniya pa.

Ang NCR Plus areas, na unang isinailalim sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso dahil sa surge ng COVID-19 cases, ay nasa ilalim na ngayon ng ‘GCQ with additional restrictions’ hanggang sa Hunyo 15.

Inaasahan namang mag-aanunsiyo na si Pang. Duterte ng susunod na magiging quarantine restrictions sa naturang mga lugar sa mga susunod na araw.

Samantala, iniulat rin naman ni David na humuhusay na rin ang COVID-19 situation sa Davao City at Cagayan de Oro City.

Gayunman, dapat pa rin aniya itong patuloy na i-monitor.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: