Nabawi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tinatayang aabot sa P57 milyong halaga ng giant clam shells sa isang residential lot sa Purok Bonbon, Barangay Panacan, Narra, Palawan.
Ayon sa PCG, ikinasa ang joint counter action operations sa lugar na pag-aari di-umano ng isang nagngangalang Jonjie Moreño ang nasabing lote.
Kasama ng PCG ang Naval Intelligence Security Group (NISG), Intelligence Operation 2nd Special Operations Unit – Maritime Group (SOU – MG), at Bantay Dagat Palawan Task Force sa operasyon nang marekober ang 16,467 piraso ng giant clam shell na nakatago sa tent sa bahay ni Moreño.

Ayon kay Moreño, caretaker lamang siya ng mga giant clam shell na pag-aari naman ng isang nagngangalang Rolando Eleazar.
Sa joint counter action operations team ibinyahe ang mga nakumpiskang shell sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) para sa tamang disposisyon.
Ayon sa PCG, dapat imbestigahan si Eleazar sa kanyang pagkakasangkot sa ilegal na pangongolekta ng giant clam shell, na isang paglabag sa Republic Act No. 9147 or the Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Itinuturing na “endangered species” ang mga giant clam shells dahil sa massive poaching para sa iba’t-ibang layunin gaya ng paggawa ng alahas at ornamental shell trade.

