Breaking News

Share this information:

SINABAYAN ng kaliwa’t-kanang kilos-protesta ng iba’t-ibang grupo ang unang araw ng pagbubukas ng klase kahapon.

Bitbit ang mga plakard, nangalampag ang mga grupo ng kabataan sa Mendiola, Maynila upang igiit sa gobyerno na magawan ng paraan ang ligtas na pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante.

Ayon kay Raoul Manuel, national spokesperson ng Kabataan partylist, hirap na hirap na ang mga kabataan dahil makalipas ang halos dalawang taon ay distance learning pa rin ang inihahaing solusyon ng gobyerno sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“Hindi puwedeng record holder tayo, tayo na lang naiiwan na bansa na hindi binibuksan ang mga paaralan… Kung bukas ang mga pasugalan, kung bukas ang mga mall, bakit sarado ang mga paaralan?” diin ni Manuel.

Wala namang nakikitang kapuri-puri ang ACT Teachers group sa ginawang pagbubukas ng klase ng Department of Education (DepEd) na sarado pa rin ang mga eskuwelahan.

“What’s there to celebrate? Another school year of school closure, making the Philippines one of the last in the world to re-open schools amid the pandemic? Stop patting yourselves on the back for doing the bare minimum of re-opening classes while failing to address major issues in education,” diin ng grupo.

Samantala, nangalampag din sa harap ng President Corazon Aquino Elementary School sa Batasan, Quezon City ang ilang mga estudyante at magulang para igiit ang ligtas na balik-eskuwela.

Ayon sa mga raliyista, nahihirapan na ang mga pamilya na makabili ng ulam para sa kanilang pamilya ay dagdag-gastos pa ang pambili ng load para sa internet connection na kailangan sa online learning.

Maliban sa Pilipinas, Venezuela na lang ang isa pang bansang walang face-to-face classes.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: