Breaking News

Share this information:

UMAPELA si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng mga donasyong COVID-19 AstraZeneca vaccines sa bansa na sinasabing nakatakda nang mag-expire sa buwan ng Hunyo at Hulyo.

Nauna rito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang naturang mga bakuna ay mag-e-expire na sa Hunyo 30 at ang iba naman ay sa Hulyo 31.

Ayon kay Pabillo, nararapat lamang na bilisan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng nasabing bakuna upang hindi masayang ang mga ito at sa halip ay makatulong sa mga Pilipino upang magkaroon na ng kapanatagan at kaligtasan laban sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Kaya nga dapat mas maging systematic at mas maging mabilis ang pamamahagi ng mga AstraZeneca vaccines na ‘yan para hindi po ma-expire. Sa halip na makatulong na sa tao, masasayang pa kapag na-expired ‘yan,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Samantala, nauna nang sinabi ng dating miyembro ng National Task force on COVID-19 na si Dr. Tony Leachon na dapat nang humingi ng tulong ang pamahalaan sa mga pribadong sektor upang mapabilis na ang pamamahagi ng vaccines.

Paliwanag ni Leachon na masyadong mababa ang average rate ng vaccination sa Pilipinas na aabot lamang sa 30,000 hanggang 60,000 kada araw.

Mayroon naman umanong inaayos na plano ang pamahalaan para agad na maipamahagi ang mga bakunang malapit nang mawalan ng bisa.

Ayon sa DOH, kanilang ipapamahagi ang nasa 1.5 milyon na bakuna na mag-e-expire sa susunod na buwan bilang unang dose, habang ang natitira naman na nasa 525,000 ay ipapamahagi bilang pangalawang dose ng mga nauna nang nakatanggap ng AstraZeneca vaccine.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: