P4.5 trilyong 2021 national budget, aprubado na sa Kamara

PINAL nang pinagtibay ng House of Representatives ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) na nagkakahalagang P4.5 trilyon.

Sa botong 257 pabor, anim na tutol na mga kongresista, lusot na ang pambansang pondo para sa susunod na taon na 9.9% mas mataas kumpara sa P4.1 trilyong badyet ngayong taon.

Iyan ay makaraang maantala ng isang linggo ang proseso ng paghimay sa pambansang badyet bunga na rin ng girian sa liderato ng Mababang Kapulungan.

Dahil sertipikadong urgent bill, inaprubahan sa 2nd at 3rd reading ang panukalang badyet sa loob lamang ng isang araw o hindi na kinailangang sundin ang panuntunan na dapat ay may tatlong araw na pagitan sa pag-apruba nito.

Pinakamalaking bahagi ng 2021 budget ay mapupunta sa Personnel Services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32 trilyon kung saan kukunin ang alokasyon para sa dagdag na pagkuha ng mga healthcare workers, second tranche ng Salary Standardization Law, at dagdag na pensyon para sa mga retired uniformed at military personnel.

Nakapaloob din sa pambansang pondo ang mga stimulus para sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 at ang P2.5 bilyon na bakuna laban sa impeksyon.

pagtransmit sa Senado ng 2021 national budget sa Oktubre 28

GAGAWAN ng paraan ng Kamara na maisumite na sa Senado sa Oktubre 28 ang aprubadong kopya ng 2021 General Appropriations Bill o GAB.

Kasunod ito ng hiling ni Senate President Vicente Sotto III kay Speaker Lord Allan Velasco na mai-transmit na ang 2021 national budget bago matapos ang Oktubre.

Sinabi ni Appropriations committee chairperson Rep. Eric Go Yap na bibigyan ang mga ahensya ng gobyerno ng hanggang Lunes, Oktubre 19 para magsumite ng amendments sa binuong small committee. Tatapusin naman ng small committee ang pagsusuri nito sa Oktubre 21.

“’Yung oct 28, kung gusto ni Senate President and nasabi na ni Speaker, siyempre di ko puwedeng ipahiya Speaker ko. It will be Oct 28,” ayon kay Yap.

Ayon kay Yap, tatagal ng 10 araw ang imprenta sa National Printing Office pero pupuwedeng mabigyan na nila ang mga senador ng kopya ng 2021 GAB na hindi pa opisyal na na-e-encode at naiimprenta o ang soft copy nito.

“But hindi siya yung hard copy. Kung ano yung sinubmit namin sa NPO, yun yung ibibigay namin sa kanya, which is yung print lang, yung sa white paper lang,” ani Yap.

Nauna rito ay sinabi ni Yap na pupuwede nilang ihabol ang pag-transmit ng national budget sa Senado sa pinaka-maagang petsa na Nobyembre 2 ngunit nagdududa ang mga senador na magkakaroon ng pagsisingit kung patatagalin pa ang pagpasa sa kanila ng kopya ng 2021 GAB.

minority leader, tatawid na sa mayorya

Nagbitiw na bilang lider ng minorya sa Mababang Kapulungan si Manila Rep. Bienvenido Abante, Jr.

Pagkatapos ng tradisyunal na talumpati ng pagkontra o ang turno en contra, ipinahayag ni Abante ang pagnanais na sumanib sa mayorya upang makatulong sa agarang pagpapatibay ng mga panukalang kailangan ng taumbayan.

“And there is no better symbol of this trust than an expression of intent to join the Majority so I could be more proactive in providing urgently-needed legislation and Congressional oversight,” ani Abante.

Umaasa naman si Abante na makatwirang makakapili ng susunod na lider ang hanay ng minorya sa Kapulungan.

Labing-limang buwan ding tumayong lider si Abante ng minorya sa Kamara na mayruong 25 miyembro.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.