P13-M halaga ng shabu nasabat sa Caloocan, bebot timbog

KALABOSO ang isang 25-anyos na bebot na tulak umano ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P13 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Martes ng hapon.

Kinilala ni Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Director PBGen. Remus Medina ang naarestong suspek na si Janesa Cabardo Canoy alyas “Jane,” at residente ng 295 Sandico St., Tondo, Maynila.

Sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Special Operation Unit 3 (SOU-3), PNP-DEG sa pangunguna ni PBGen. Medina, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at Caloocan City Police Sub-Station 12 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Samuel Mina Jr., ng buy-bust operation sa Langit Road corner Crusher Street, Phase 9, Package 7C, Bagong Silang, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 2 kilo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P13,600,000, isang brown Louis Vuitton sling bag, light brown pouch na naglalaman ng identification card, cellphone at buy-bust money na 15 bundle ng boodle money na may dalawang pirasong tunay na P1,000 bill.

Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.