KAKAILANGANIN umano ng gobyerno ng Pilipinas ng P12.9 bilyon para makabili ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations, inihayag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na mula sa nasabing halaga ay nasa P2.5 bilyon muna ang nailaan sa ngayon at uutangin sa Landbank of the Philippines.
“We need P12.9 billion po, pero P2.5 billion po muna ang in-allocate namin kasi po ang scheme, puwede hong loan sa Landbank para macover ‘yung remaining budget requirement. Ang mechanism po, uutang po sa Landbank, the purchase will be made by PITC-Pharmaceutical under DTI. Iyong pambayad, kukunin po sa budget ng DOH in the coming years. Iyan po ang aming proposal ng vaccine procurement,” paliwanag ni Cabotaje.
Kasabay nito, sinabi ni Cabotaje na nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa mga supplier na interesadong magbenta ng anti-COVID 19 vaccines sa Pilipinas sakaling maging available na at pumasa sa regulatory standards ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa.
Ang clinical trials para sa World Health Organization solidarity trial ng posibleng vaccine kontra COVID-19 ay ilulunsad sa Pilipinas sa katapusan ng Oktubre at inaasahang tatagal ng anim na buwan.
Nauna na ring ibinunyag sa pag-aaral ng non-government organization na Oxfam, na isang grupo ng mga mayayamang bansa ang nakapagpareserba na ng mahigit sa kalahati ng naipangakong doses ng malilikhang COVID-19 vaccine.
Kabilang dito ang mga bakuna mula sa AstraZeneca, Gamaleya/Sputnik, Moderna, Pfizer at Sinovac.
Ayon sa Oxfam, mayruon nang suplay deal na 2.7 billion doses mula sa 5.3 billion doses na target likhain ang nabili na ng developed countries tulad ng United States, United Kingdom, European Union, Australia, Hong Kong at Macau, Japan, Switzerland at Israel.