INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na American national na matagal nang wanted ng mga awtoridad sa Nevada dahil sa sex crimes.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pugante na si Eduardo Rojas Minas, 60 anyos, na inaresto sa Sta. Cruz, Zambales ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU).
Sinabi ni Tansingco na si Minas ay matagal nang nasa listahan ng mga wanted sa Federal Bureau of Investigation (FBI) noon pang November 2006 kung saan may warrant of arrest ang inisyu sa kanya ng Justice Court sa Las Vegas township, Clark County, Nevada.
Gayunman, tumakas si Minas at nagtago sa Pilipinas at hindi na umalis simula noon.
“He will thus be deported for overstaying and being an undesirable and undocumented alien. He no longer holds a valid passport since it already expired in January 2013 and was not renewed,” ayon kay Tansingco.
Ayon kay BI-FSU acting chief Renell Ryan Sy, si Minas ay kinasuhan sa Nevada court ng 2 counts ng sexual assault at dalawang counts ng statutory sexual seduction.
Si Minas na kasalukuyang naka-detine sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, ay pagbabawalang muling pumasok sa Pilipinas dahil sa kanyang mga kaso habang hinihintay ang kanyang deportation proceedings.