Ospital sa Maynila, pansamantalang isinara; mabilis na pagtugon, pinuri ng DOH

Share this information:

PANSAMANTALANG isinara ang isang pampublikong ospital sa Maynila upang bigyang-daan ang paglilipat ng mga COVID-19 mild cases sa gitna ng muling pagsirit ng mga kaso.

Sa inilabas na abiso ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH), simula alas-8 kagabi (Enero 1) ay isinara ang ospital upang mailipat sa kalapit na isolation facility ang mga pasyente na itinuturing na mild cases.

Gayunman, sa paglilinaw ni Dr. Arnold Pangan, City Health Officer ng lungsod ng Maynila, magbubukas din ang ospital ngayong araw.

Pinuri ng Department of Health (DOH) ang pamahalaang lungsod ng Maynila, partikular ang City Health Office nito dahil sa maagap na pagtugon nito kaugnay sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ayon sa DOH, ang ginawa ng Manila City Health Office ay naaayon sa protocol ng gobyerno.

Napag-alaman na ang bilang ng mga COVID patient sa JJASGH ay higit pa sa bilang ng kanilang mga kama, bukod dito ay marami na rin umanong mga kawani ng nasabing ospital ang nahawa na ng nasabing sakit.

Hinikayat naman ng JJASGH na pumunta na lamang ang mga pasyente sa ibang pampublikong ospital sa lungsod.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.