Paalam, Claire dela Fuente. Salamat sa mga awitin.
Ito ang karaniwang makikita sa post sa Facebook matapos madiskubre na ang Original Pilipino Music (OPM) icon na si Claire dela Fuente ay binawian ng buhay sa edad na 63 anyos dahil sa atake sa puso.
Una na ring nagpositibo ang mang-aawit sa COVID-19, na kinumpirma naman ng kanyang anak na si Gregorio de Guzman.
“Unfortunately my mom passed away this morning from cardiac arrest brought about by stress kasi po na-diagnosed po siya ng COVID. She was already diagnosed noong Friday,” ayon kay de Guzman sa isang panayam sa radyo.
Sinabi ni de Guzman na inirekomenda ng mga doktor na sa ospital na muna manatili ang mang-aawit upang mabantayan bagama’t maayos pa ang pakiramdam nito makalipas ang ilang araw na malaman ang resulta ng COVID-19 test.
“Until last night (Lunes ng gabi) when her anxiety kicked in, and it got the best of her po,” ayon pa sa anak ni dela Fuente.
Sinabi rin ni de Guzman na pareho silang mag-ina na tinamaan ng COVID-19 bagama’t siya ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas.
“Asymptomatic po ako kaya nag-lock in po ako dito sa kuwarto ko. Meanwhile, siya po ni-recommend ng doctors na pumunta sa ospital the next day para ma-monitor ng doctors,” dagdag nito.
“Hindi niya po sinasabi sa akin ang tunay niyang kondisyon. Pero ang last po naming pag-uusap, nagpabili siya sa akin ng pagkain, nagalit pa ako kasi hindi niya sa akin sinabi na pupunta siya ng ospital,” salaysay pa ni de Guzman.
Ikinuwento pa ni de Guzman na hindi sa loob ng Las Pinas Doctors Hospital naka-confine ang ina kundi sa isang tent sa labas nito.
“Actually, she wasn’t confined completely. She was actually staying in a tent outside Las Piñas Doctors Hospital waiting to be admitted,” ani de Guzman.
Mula sa Las Pinas Doctors Hospital ay inilipat si dela Fuente sa Pope John Paul II Hospital sa naturang lungsod kung saan na siya pumanaw.
Hindi pa batid ng mga anak ni dela Fuente kung saan nila nakuha ang COVID-19 virus bagamat kanilang hinihinala na isa sa kanilang mga staff na nauutusang bumili ng mga kailangan sa bahay ang nakahawa sa kanila.

