IPINAGHARAP ng reklamong katiwalian ng konsehal sa bayan ng Lopez, Quezon ang regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inihain ni Councilor Arkie Manuel Yulde sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay DPWH Region I Director Ronnel Tan, mister ni Quezon Representative Angelina “Helen” Tan.
Inaakusahan ni Yulde si Tan ng grave misconduct, corrupt practices, conduct unbecoming a public officer at pagkakasangkot umano sa partisan political activities.
Sa kanyang complaint, tinukoy ni Yulde ang insidente na naghagis o nagpaagaw umano ng pera si Tan para sa mga bisita sa kanyang bahay.
“The respondent indulged in extravagant or ostentatious display of wealth. During a recent party celebrated by respondent and his wife in their residence in the 4th district of Quezon Province, two mayors… had witnessed the respondent brought with him a box filled with cash estimated to be about P2 to 3 million. Due to his excitement, respondent shouted to the guest, ‘pag-agawan ninyo itong pera,’ then ‘threw the cash in the air’ such that the guest will be fighting over picking up as many cash they can get. The mayors said some guests got P100,000, other got P200,000,” ayon sa reklamo.
“Such ostentatious display of wealth by respondent is surely a grave misconduct committed by a public official,” dagdag pa sa reklamo.
Tinukoy din sa complaint ng konsehal ang sinasabing pagmamay-ari ni Tan ng malaking bahay sa isang exclusive subdivision sa Quezon City.
Inaakusa pa ni Yulde na pinigilan at binantaan din ni Tan ang ilang opistal ng barangay upang huwag dumalo sa mga pulong at kumperensya na ipinatatawag ni Quezon Governor Danilo Suarez.
Ayon sa kampo ni Yulde, patuloy pa silang nangangalap ng karagdagang ebidensya laban kay Tan.
Tan, itinanggi ang mga paratang
Mariing pinabulaanan ni Tan ang mga akusasyon ni Yulde at sinabing pamumulitika lamang ito laban sa kanyang misis na kongresista.
Sinabi pa ni Tan na legal niyang nakuha ang bahay sa Quezon City at iba pa nitong assets dahil nagtrabaho rin sya nuon bilang subcontractor ng isang telecommunications company bago pumasok sa gobyerno.
Diin nito, hindi sila namumuhay ng marangaya.
Pinagtawanan din ni Tan ang akusasyon patungkol sa mga barangay kapitan dahil hindi aniya sya malimit sa Quezon at sa DPWH Region 1 sya nakatalaga.
“Bakit nila ako susundin eh governor siya? Ano pong kapasidad ko eh sa Region 1 ako naka-assign? Bakit naman ako susundin ng mga kapitan?” ani Tan.
Sinabi ni Tan na hindi na sila nasorpresa sa mga alegasyon dahil posibleng kumandidatong gobernador ang kanyang misis sa eleksyon sa 2022.
“Nakarating na sa amin na sisirain nila kami kung hindi aatras ang asawa ko,” dagdag pa ni Tan.