NIYANIG ng magnitude 5 na lindol ang lalawigan ng Batangas at naramdaman maging sa Metro Manila, Huwebes ng hapon.
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagyanig dakong ala-1:25 ng hapon sa layong 8-kilometro ng bayan ng Mabini.
May lalim na dalawang kilometro ang lindol na tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang Intensity IV sa Mabini, San Luis, Lemery, Rosario, Agoncillo, Calatagan, Balayan, Bauan, Sta. Teresita sa Batangas; at sa Tagaytay City, Alfonso at Amadeo sa Cavite.
Intensity III naman ang naramdaman sa Batangas City; Malvar, Talisay, Tanauan, Alitagtag sa Batangas; at San Pablo sa Laguna; samantalang nasa Intensity II ang naitala sa Quezon City; Mandaluyong City; Navotas City; Majayjay, Laguna; Dolores, Quezon.
Ang Intensity I ay naitala rin sa Malabon City; Pasay City; Talisay, Batangas; Sta. Cruz, Laguna.
Kung pagbabatayan naman ang instrumento ng Phivolcs, naitala ang Intensity IV sa Calatagan, Batangas; Tagaytay City; Intensity II- Muntinlupa City; Dolores, Quezon; Intensity I- Quezon City; Carmona and Bacoor City, Cavite; Mauban, Quezon; Talisay, Batangas.
Walang inaasahang pinsala ang Phivolcs dahil sa lindol ngunit mayruon pa ring aftershocks.