Opisyal ng CBCP, nagbigay-linaw tungkol sa isyu ng mataas na matrikula sa Catholic schools

Share this information:

NILINAW ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang madalas na batikos sa simbahan na “mahal ang matrikula sa mga Katolikong simbahan subalit mababa ang suweldo ng mga guro.”

Ayon kay Bishop David, kung tutuusin ay mas mahal ang gastos ng bawat estudyante sa pampublikong paaralan na ang pondo ay mula sa buwis ng mamamayan.

Mas malaki ang budget ng public schools dahil mas mahal ang pasuweldo sa kanilang mga teachers.  Para maipantay ng Catholic schools ang suweldo ng kanilang mga teachers sa suweldo sa public, kailangan nilang magtaas ng tuition fees.  Hindi naman aaprubahan ng DepEd (Department of Education) ang biglaang pagtaas ng tuition fees ng mga private schools,” pahayag ni Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.

Sa mga pribadong paaralan naman, kabilang na ang Catholic institutions, dagdag ng obispo, ang pondo ng mga ito ay nagmumula naman sa matrikulang ibinabayad ng mga mag-aaral, at inilalaan naman ito sa suweldo ng mga teaching and non-teaching personnel, pagpapagawa ng mga silid-aralan at iba pang pangangailangan ng paaralan.

Iginiit ng obispo na ang pagkakaroon ng dagdag suweldo sa mga guro ay nangangahulugan din ng umento sa matrikula na kailangan din munang isangguni sa pamahalaan.

Sa nakalipas na pandemya, ilang mga pribado at Katolikong paaralan ang nagsara dulot ng pagkalugi dahil sa kakulangan ng mga estudyante, kabilang na dito ang 76 na pribadong paaralan sa Western Visayas na nagsara na.

Itinanggi din ni Bishop David na ang mga pribadong paaralan ay para lamang sa mga may-kaya dahil sa katunayan, naglaan ng pondo ang simbahan para sa mga mag-aaral na mahihirap.

Ayon pa sa Obispo, marami ring mga mahihirap ang nag-aaral sa mga Catholic schools dahil sa pagsusumikap ng mga ito na maglaan ng pondo o magkaroon ng mga foundations na pwedeng magbigay ng scholarship grant o financial assistance sa kanilang mga “poor but deserving students.” 

Sa pagbubukas ng taon, muling isinagawa ng Radio Veritas at Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila, ang Youth Servant Leadership and Education Program upang tustusan ang may 5,000 college scholars ng simbahan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.