HINDI umano malayong makahanap pa rin ng daan para makapasok sa Pilipinas ang sub-variant ng Omicron na nagdulot ngayon ng muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa Hong Kong.
Ipinahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi nila inaalis ang posibilidad na makalusot ang BA.2.2 sub-variant ng Omicron variant ng COVID-19.
Gayunman, hindi tiyak ni Duque kung matinding maapektuhan ang bansa tulad ng naranasang pagtaas ng mga kaso nang makapasok ang BA.2 variant sa bansa.
“So hindi pa natin masabi kung ito ho ba ay magdudulot ng ganong ka seryosong pangyayari katulad sa Hong Kong,” pahayag ni Duque.
Sa kabila nito, sinabi ni Duque na mas mataas na ang vaccination rate sa Pilipinas kumpara sa Hong Kong, lalo na sa hanay ng senior citizens. Aabot lamang umano sa 33 percent ang vaccination rate ng mga nakatatanda sa Hong Kong.
“On the other hand, ‘yun po kasing vaccination coverage ng citizens sa Hong Kong mababa… so tayo mas maganda ang ating protection level. We have experienced five surges… so that has also rendered out population some degree of protection as well. So from natural immunity and also from vaccination,” dagdag pa ng kalihim.
Siniguro naman ni Duque na sa ngayon ay wala pang natutukoy na kumpirmadong kaso ng BA.2.2 sublineage sa Pilipinas.
“Sa ngayon… wala pang natutuklasan na BA.2.2 sublineage sa samples na nasequence ng Philippine Genome Center sa ating bansa, pero patuloy tayo nagbabantay,” ayon kay Duque.

