SINIMULAN na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang oil recovery operations kaugnay ng ikatlong-sunod na maritime incident na naganap sa lalawigan ng Bataan sa loob ng dalawang linggo.
Sa impormasyong ibinahagi ng PCG, sumadsad ang MV Mirola 1 sa katubigan ng Sitio Quiapo, Barangay Biaan, Mariveles, Bataan.
Ito na ang ikatlong maritime incident sa Bataan matapos maaksidente noon lamang nakaraang linggo ang MT Terranova at MKTR Jason Bradley.
Manu-manong isinagawa ng PCG team ang pagsalok ng tumapong langis sa mula sa loob ng barko.
Inilalagay ng mga PCG personnel sa malalaking drum ang nakolektang langis na dadalhin naman sa isang waste disposal facility para masigurong hindi makapagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mga residente.
Nauna nang nagsagawa ng drone aerial surveillance at shoreline assessment ang PCG at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Bataan kung saan sumadsad ang barko.
Naobserbahan ang minimal oil sheens at bahagyang amoy ng diesel oil sa nasabing lugar.
Nangolekta rin ng samples ang team para sa water sampling analysis.

